Ngiti – The FEAST Rizal

SmilesSinumulan kong isulat ko ang pagninilay na ito ng 7:39 ng umaga; Marso 22, 2013. Medyo huli na nga kung tutuusin. Noong mga nagdaang araw kasi, medyo naging abala ako sa mga bagay-bagay, gaya ng paga-asikaso sa mga papeles ng tatay ko para sa ospital. Punta dito, punta doon. Lakad dito, lakad doon. Nakakapagod, pero wala namang ibang gagawa nito kung hindi ako. Dalawang ospital ang inikot-ikot ko. Yung isa para sa pirma ng Doktor, yung isa, para doon ipasa lahat ng mga papeles. Dalawang beses akong nagpa-pirma, dahil dalawang beses akong bumalik (nang magka-ibang araw) sa ospital.

Sa wakas! Natapos ko rin ang lahat pagkatapos ng apat na beses na pabalik-balik sa magka-ibang ospital.

Matapos nito, kailangan ko naman paghandaan ang pagdating Lolo ko (tiyuhin ng nanay ko), bibisita kasi sila (kasama ng mga anak niya, na pinsan ng nanay ko) sa kapatid niya na na-ospital din. Medyo matagal na silang hindi nagkikita. Ako din, matagal ko na silang hindi nakikita. Mga 10 taon na siguro. Sa sobrang tagal, noong sinundo ko sila sa isang tagpuan, hindi ko na makilala yung mga pinsan ng nanay ko, ni hindi ko na nga maalala yung mga pangalan nila. Dinala ko muna sila sa bahay. Kumain ng sandali. Saka ko sila inihatid sa bahay ng kapatid niya para makabisita.

Yakapan, kwentuhan, tawanan ang mga sumunod na pangyayari. Matapos ang halos isang oras, uwian na.

Sa mga nangyari, aaminin ko na sobra ang pagod na inabot ko. Ngunit nawala ang lahat ng ito matapos kong maisip kung ano bang dahilan kung bakit ko ito ginawa…

Dahil sa pagmamahal…

Mahal ko ang tatay ko, kaya ko inasikaso ang mga papeles niya. Mahal ko ang lolo, lola at mga pinsan ng nanay ko kaya ko sila inasikaso. Mahal ko ang mga tiyuhin at tiyahin ko kaya kumuha ako ng litrato para makita nila ang naganap na “reunion” nila. Mahal ko ang nanay ko kaya pinili kong gawin ang lahat ng ito.

Sa kabila ng pagod, abala at aligaga; naisip ko na walang kapalit ang mga tawanan, yakapan, kwentuhan at kapanatagan ng kalooban na nakita ko, at naramdaman ng mga taong naging bahagi ng kwentong ito. Sa kabila ng mga ito, naisip ko na ang dami ko palang naibigay at naipakitang pagmamahal na siyang pinakamahalaga sa lahat ng bagay.

Sa kabila nito, alam ko na napangiti ko ang Panginoon sa mga ginawa ko. Sa kabila nito, alam ko na naramdaman at nakita ng Panginoon kung gaano ko Siya ka-mahal.

Teka? Anong oras na? 8:28 ng umaga, naku, kailangan ko na itong ipasa! Ipapasa ko rin ito, sa isang taong mahal ko… Ipapasa ko rin ito ng puno ng pagmamahal… Ipapabasa ko rin ito sa mga taong mahal ko…

Sana, mapangiti ko ulit ang Panginoon sa gagawin kong ito! Para kay Hesus!

Share this post and bless others, too!

Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.